Frontliner Story #13: Fernan Supsup

Kapag may Tiyaga, Dapat may Pabuya

Isinulat nila Phoebe de Leon and April Evangelista

Na-edit ni Dana Eunise Cruz

Pagkuha ng frontliner ni Lara Galang

Sa gitna ng isang pandemiya, tama nga naman na pagtuunan-pansin ang mga doktor, nars, at iba pang propesyonal sa medisina. Ngunit sa panahong ito na tila huminto ang mundo dahil sa epekto ng pandemiya sa mga tao, mahalagang bigyang-pansin din ang mga frontliner na nagbubuwis-buhay sa mga kalsada’t mall upang matugunan ang ating mga pang-araw-araw na pangangailangan — ang mga retail workers.

Image for post
Image for post
Gawa ni Renz Lalic

Si kuya Fernan Supsup ay isang sales clerk sa Handyman mula sa Calumpit, Bulacan. Araw-araw, sa umaga’t gabi, nakikipagsapalaran siya sa mga sasakyan, sa klima, at sa pandemiya sa highway na papunta sa kanyang trabaho. Taong 2013 nagsimula si kuya Fernan sa kanyang trabaho sa retail — promotions hanggang 2015 at sa sales naman simula ng 2016. Isa siya sa daan-daang essential workers na nagtatrabaho sa mga mall upang pagserbisyuhan ang mga mamimili ngayong panahon ng pandemiya.

Araw-araw, halos 40 minuto ang ginugugol ni kuya Fernan sa pagbibisikleta papunta at pabalik mula sa kanyang trabaho dahil hindi pa nakapagbibigay ng shuttle service ang kanyang kumpanya para sa mga empleyado nito. Halos 18 na kilometro ang layo mula sa tahanan niya papuntang Guiguinto at para sa mga hindi sanay sa pagpepedal — lalo na kung napakalayo ng pupuntahan — talagang nakakapagod ang ganitong gawain araw-araw ngunit kay kuya Fernan, paraan na ito ng page-ehersisyo at pagpapalakas ng katawan ngayong panahon.

Gaya na lamang ng mga nagbubuwis-buhay sa mga ospital, mapanganib din ang trabaho ng mga essential workers sa mga mall dahil sa dami ng mga taong nakakasalamuha nila araw-araw. Upang maibsan ang posibilidad ng pagkakahawa, mahigpit na ipinatutupad ng mall ang iba’t ibang safety protocol upang proteksyonan ang kanilang mga empleyado.

Tulad sa ibang establisimyento, inaalam ng mga guwardiya ang temperatura ng bawat taong papasok at inaabisuhang maglinis ng kamay gamit ng alcohol at sinisita nila ang mga ‘di sumusunod sa mga patakaran tulad ng pagdidistansya at pagsusuot ng face mask. Bago magbukas sa publiko, nililinis muna ang buong gusali upang mawala ang mga mikrobyong mapanganib sa kalusugan.

Para naman kina kuya Fernan, kusang nagbibigay ang mall ng mga face shield upang mabawasan ang pagpapasa ng mga droplet. Para sa mga kahero naman, pinapayagan silang pumunta ng banyo upang maglinis ng sarili pagkatapos nilang asikasuhin ang mga kustomer. Bukod sa gawain ng mall, laking tulong din kay kuya Fernan ang kanyang mindset pagdating sa trabaho. “Lagi akong alerto at iniisip ko na lahat ng nakikita ko ay posibleng positive na kahit wala silang sintomas kaya dumidistansya ako sa mga mamimili.”

Bagaman mabilis kumilos ang kumpanya pagdating sa usaping pangkalusugan, aminado si kuya Fernan na pahirap nang pahirap ang sitwasyon nilang mga empleyado. Dahil binawasan na ang kanilang bilang ng araw ng pagpasok, nabawasan na rin ang mga benepisyong nakukuha nila tulad na lamang ng SSS at PhilHealth. “Siguro kailangan na [rin] namin ng hazard pay dahil ngayong GCQ, ‘di na po kontrolado ang mga lumalabas at marami na rin pong nahahawa,” dagdag niya.

Pahirap na rin ang sitwasyon sa kalsada ngayong parami nang parami ang mga taong lumalabas. Kahit sanay na siya sa pamimisikleta, mapanganib pa rin ito. “[Lalong] mahirap kapag maulan at kapag wala kang helmet. Wala ring maayos na bike lane kaya delikado talaga kapag wala [kang] dalang protective gear.” Mas naging mapanganib naman ito dahil sa pagdagsa ng mga sasakyan sa kalsada. Kahit na mas ligtas dumaan sa loob-looban ng mga barangay sa halip ng highway, pinipili pa rin ni kuya Fernan ang huli upang mabawasan ang kilometrong lalakbayin niya. “Ligtas man pero matatagalan [ka] naman dahil ang daming iikutan,” sabi niya. “May mga checkpoint din sa mga barangay kaya baka mas mahirapan pa ako.”

Bukod pa sa mga isinusulong ni kuya Fernan bilang isang essential worker sa mall, isinusulong din niya — kasama ng kanyang grupo sa Bulacan — ang paggawa ng mga lanes para sa mga namimisikleta upang mabawasan ang mga aksidente. Sa kabutihang palad, hindi pa naman nakararanas ng ganito si kuya Fernan ngunit mayroon na siyang mga natulungan na nasiraan ng bisikleta sa kalsada. Ani kuya Fernan, siya na ang kusang tumutulong kahit hindi pa siya nakararanas ng isang “act of kindness” mula sa iba. “Unahin po natin ‘yung kaligtasan bago mag-bike, lalo na kung malayo-layo ‘yung lalakbayin,” payo niya. “Kung hindi kayang magbisikleta, ‘wag na pong pilitin.”

Bilang isang essential worker na patuloy na nagtatrabaho para sa ikabubuti ng lahat, iisa lamang ang mensahe ni kuya Fernan sa lahat. “Sinisikap po namin na matulungan [ang lahat] kahit papaano kaya sana po matulungan din kami.”

Hindi kailanman nagkulang sina kuya Fernan at ang kanyang mga kasama sa trabaho sa tiyaga at pagsisikap kaya naman ang tanong na kailangan nating pag-isipan ay: “Hanggang kailan natin kakayanin ang ganitong pamumuhay, lalo na para kay kuya Fernan?”

Kung nagustuhan mo ang istorya, sumali sa aming komunidad, i-like ang aming page, at magpadala ng inyong mga ‘quarantine reflections’ at mga istoryang ‘frontliner’ sa tft.editorial@gmail.com.

We exist to document narratives of resilience online, inspiring hope through the power of story.

Get the Medium app

A button that says 'Download on the App Store', and if clicked it will lead you to the iOS App store
A button that says 'Get it on, Google Play', and if clicked it will lead you to the Google Play store